Napakabilis talaga ng pagtakbo ng panahon, sing bilis ng agos
ng tubig sa ilog na hinihipan ng hangin patungo sa napakalawak na karagatan.
Ang buhay ng tao ay parang isang malawak na karagatan. Hindi ko
alam ang aking paroroonan. Hindi ko alam kung ano ang makukuha ko sa hinaharap.
Kaalinsabay ng mabilis na paglipas ng mga araw ay ang
malawakang pag-unlad ng teknolohiya. Mga teknolohiya na ang pangunahing nais ay
makatulong sa mga tao upang mapadali ang mga gawain sa materyal na mundong ito
at buksan ang mas maraming daan para sa pangkalahatang kabutihan. Gamit rin ang
mga teknolohiya upang mapaunlad ang ating mga kabataan sa iba’t ibang larangan.
Ilan lamang ang cellphone, laptops, kompyuter, PSP at ipod sa
mga modernong kagamitan na sadyang kinagigiliwan ng lahat.
Subalit paano ko nga ba magagamit ng may buong kahusayan at kabutihan
ang mga “gadgets” ng aking panahon? Bilang isang kabataan at mamamahayag nasa
aking mga kamay ang kasagutan para sa responsableng pagbabahagi ng mga
makabagong kaalaman tungkol sa mga makabagong teknolohiya,
Sa kasalukuyang milenyo ang karunungan sa pagsulat at pagbasa
ay hindi na sapat upang masabi na ikaw ay “literate”, ang kaalaman sa malawak
na konsepto ng internet at bagong teknolohiya, ang kakayahan sa epektibong paggamit, at kritikal na
pagsusuri at paggawa ng impormasyon ay kinakailangan upang masabi na ikaw ay “digitally
literate”.
Malaki ang bahaging ginagampanan ng mga bagong sibol na
teknolohiya sa larangan ng edukasyon, kalusugan, transportasyon, komunikasyon,
at libangan.
Maraming postibong epekto ang naidudulot ng mga “gadgets” na
ito tulad ng pag-unlad ng antas ng libangan, mas mapadadali ang pagresponde sa
mga kaganapan, mas mapabibilis at mapararami ang gawaing maaaring magawa,
magkakaroon ng “global networking” o pandaigdigang ugnayan, mas mapalalapit sa
iba sa pamamagitan ng komunikasyon gamit ang teknolohiya, at mas makamumura sa
ibang paraan.
Sa kabila ng mga positibong dulot hindi maiiwasan na
magkaroon ng negatibong epekto bunga ng mapang-abusong paggamit nating mga tao.
Ilan lamang sa mga ito ay ang pagiging tamad ng mga tao, maaaring gamitin sa
karahasan tulad ng “cyberbullying”, negatibong epekto sa kalikasan, “technicism”
o pagiging kampante sa paggamit ng teknolohiya, ang pagkakaroon ng sobrang
kaalaman ay maaaring humantong sa mali-maling sitwasyon na kilala sa tinatawag
na “information overload” o “infollution”, at ang makabagon teknolohiya sa
larangan ng gaming at internet access ay maaaring maka-sira o maka-apekto sa
pag-aaral ng mga bata.
Nasa kamay ko at nating lahat ang susi upang maibahagi ang
mga kaalaman sa tungkol sa mga “digital”
na kagamitan. Sumabay tayo sa mabilis na pagtakbo ng panahon at sabayan ang
pagbabago upang maitaguyod ang responsible at mahusay na paggamit ng mga
makabagong teknolohiya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento